30 March 2012

ORAS para sa LIKAS


Sa paglubog ng haring araw
Namamayagpag ang bumbilyang de ilaw
Nagpapanggap bilang tala
Animo'y pumatak sa mababang lupa

Sa espasyong puno ng dilim
Dala'y liwanag na hindi lihim
Nakasisilaw ang taglay na ningning
Wari'y bida sa isang piging

Parang isang mahika
Parang mahiwagang makina
Hinahangaan ang kinang
Nitong bolang tila nahihibang

Ang marilag niyang kagandahan
Sinuri ko't pinagmasdan
Sa likod ng kanyang kislap
Nagkukubli ang mapagkunwaring ulap

May angking elemento
Sa mundo may hatid na epekto
Nakalalason na kontaminasyon
Tulad ng nakasusulasok na polusyon

Sa sinag niya ako'y nabulag
Kalikasa'y binalot ng pagkabagabag
Naghihingalo't humihiling
Nangungusap "wag kang umiling"

Ibinulong ng malayang hangin
Kasama ng mga punong dumadalangin
Nagsusumamo pati ang tubig
Sumisigaw ng may isang tinig

Nanlilimos ng pagpapahalaga
Kahit saglit, enerhiya ay ipahinga
Hayaan muna ang bilog na buwan
Magdulot ng payapang kaliwanagan

Sa panahon ng gabing mahinhin
Sabay-sabay nating gawin
Isang payak na kontribusyon
Sama-sama ang lahat ng nasyon

Pahingi ng isang oras
Para sa 'ting yamang likas
Sa loob ng animnapu'ng minuto
Mapapanatag ang buong mundo

--------------------------------------

Ito ay partisipasyon ni Jhengpot para sa "Earth Hour: Go Beyond the Hour Blogging Contest"



Isponsor:



3 comments:

  1. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete
  2. Good luck sa entry mong ito......ewan ko lang kung ang mga internet cafe ay mag off ng light kahit isang oras......

    ReplyDelete
  3. Very well-crafted. Di kami nagobserve ng Earth Hour. LOL

    ReplyDelete

Say Wuht?