22 March 2012

Panaginip


Sa isang silid-aklatan nakaupo ako sa isang gilid habang pinapanood ang dalawang kulisap na tila naghahabulan sa ere. Di kalaunan nagkaroon ng nakasisilaw na liwanag mula sa kabilang dulo ng silid kung saan isang pamilyar na hugis ng tao ang aking nasilayan. Kaagad akong tumayo sa aking pagkaka-upo at nagmadaling tumungo sa kanyang kinalalagyan. Ilang hakbang pa lang aking natatahak ng bumungad ang isang nakakatakot na nilalang sa aking harapan - isang maligno! Kumaripas ako ng takbo, hindi alintana na nagpabunggo-bunggo sa estante ng mga libro. Hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng aking mga paa hanggang sa tuluyan akong natisod dahilan para bumagsak ako sa sahig. Tumulo ang luha at bumuhos ang takot ko na baka maabutan ng nakakatakot na nilalang. Sunod-sunod ang aking hikbi ng may tumapik sa aking balikat. Ayaw ko lumingon, ayaw kong makita ang malignong iyon! Ngunit isang malambing at pamilyar na boses ang aking narinig... ”tahan na anak ko”  tinig na matagal ko ng hinahanap-hanap mula sa aking hinagap. Hindi ako nagkamali sa aking hinuha, sa aking paglingon ay walang pag-aatubiling aking nasambit ang salitang “Mama ko!” kasabay ang sabik at mahigpit na yakap.

“Ate! Gising na! Anong petsa na!” sigaw sa akin ng aking nakababatang kapatid habang inaalog ang aking nahimbing na katawan.
“Ha? Ano ka ba! Natutulog yung tao e!” at agad naman akong bumangon upang ihanda ang aking sarili para sa araw na iyon.

Pasado alas nuebe na, habang nagmumuni-muni ng kaunti sa banyo ay naalala ko ang aking panaginip at binigkas sa aking isip "Ikaw talaga ma, hindi ko naman nakakalimutan eh. Naalala ko birthday mo ngayon". Sabay buhos ng malimig na tubig.

“Kumain ka na diyan. May galunggong diyan sa lamesa. Ibinalot ko na yung ibang ulam na dadalhin natin, yan na lang muna ang i-almusal  mo.”  bungad sa akin ni papa pagkalabas ng banyo.
“Opo!”  sabay nagtungo sa hapag upang pag-pistahan ang natirang ulam.

Saktong alas diyes ng umaga ng lisanin namin ang aming bahay patungo sa bagong tahanan ng aking ina. Wala pang isang oras ay narating namin ang sementeryo. Ibinaba ang lahat ng gamit at pagkain mula sa kotse at agad na nagtungo sa kanyang puntod.

”Kamusta ka na dito Ma? Happy birthday!” ang aking unang bati at agad na nag-alay ng payak na panalangin. Pagkatapos nito ay napatingin ako sa malawak na kalangitan at nasilayan ang saranggola na animo’y ibon sa paglipad. "Alam ko isa ka ng ibon, malayang lumilipad. Ako naman ang saranggola, pilit kang inaabot, pilit kang gustong makasama, ngunit nakatali pa din akong mamuhay sa mundong ibabaw." 

Masaya ako na kahit man lang sa panaginip nakakasama siya panandali. Banayad ang aking pakiramdam na isiping mapayapa siya sa piling ng Ama. Sa puntong ito ay isang ngiti ang gumuhit sa aking pisngi at muling ibinaling ang tingin sa kalupaan. Lumapit ako sa kanyang lapida. Pinagmasdan ang larawan na nakapatong dito habang hinahagod ang mga damong nakapaligid. Luntian ang paligid sa sementeryo dahil sa bermuda o damong bumabalot dito. Sa ganitong paraan, nababawasan ang pangamba ko na sa ilalim ng kulay berdeng ito ay libo-libong bangkay ang nakabaon. Ini-unat ko ang aking katawan at humiga sa damuhan. Ipinikit ko ang aking mata, unti-unti sa aking imahinasyon ay nilamon ako ng lupa papunta sa panahong nabubuhay at masigla pa ang aking ina...

Katapusan na naman. Kapag pumapatak ang araw na ito at ang akinse ay kusa akong pumupunta sa opisina ni mama. Malaya kaming nakakapasok sa kanyang pinagtatrabahuhan. Marahil natural na labas-masok ang mga tao dito. Nagtatrabaho siya sa isang kagawaran sa aming munisipyo. Malapit ang puso ni mama sa pagtulong at paglilingkod sa mga tao. Dati siyang kapitana ng baranggay at kagawad ng aming lungsod. Sa magulong mundo ng pulitika ay binansagan siyang Amazona dahil sa tapang niya sa pagharap sa lipunan kahit isa siyang eba. Noong matapos ang termino ng paglilingkod ay pinili niya pa ring magtrabaho sa lokal na pamahalaan. Tila isang bayani sa panitikan ang tingin sa kanya ng ilan. Ngunit para sakin ay isa siyang uliran at mapagparayang ina. Hindi naman ganoon kalaki ang sinasahod niya sa kanyang trabaho ngunit hindi niya pinapalagpas ang mga pagkakataong may pera siya upang ibigay ang mga luhong bagay bukod sa aming pangangailangan. Ang lahat ng ito ay bunga ng kanyang pagsasakripisyo. Siya ang pinakaunang taong nagigising sa aming munting tahanan. Lahat ng gawain sa bahay ay kanya ring inaako. Hanggang sa dumating ang araw na unti-unting nanghina ang kanyang pangangatawan kung saan ang bahay at buhay naming puno ng sigla ay binalot ng pagkabalisa.
                                                                             
”Ginagawa namin ang lahat ng paraan pero hindi ko kayo mabibigyan ng kasiguraduhan sa ngayon sa kalagayan ng mama niyo. Unti-unting bumabagsak ang vital signs niya. Ang tanging magagawa natin sa ngayon ay magdasal” ang sabi ng doktora sa amin ng kapatid ko habang nasa labas ng Intensive Care Unit o ICU ng ospital.

Tila nauna na kong nawalan ng malay sa puntong ito. Napahigpit ang kapit ko sa dingding upang suportahan ang nanlalambot kong katawan. Huminga ng kaunti at lumapit sa altar na malapit sa bukana ng ospital. Kung mayroon lang hihigit sa panalangin upang hilingin ang paggaling niya ay ginawa ko na. Natatakot ako sa mga pwedeng mangyari sa mga susunod na sandali. Lubos ang aking pagsamo na sana ako’y pagbigyan ng Diyos kahit saglit. Binuklat ko ang bibliya sa aking harapan at binasa ang talatang unang nasilayan ng aking mga mata.

”At bakit pa kami nalalagay sa panganib sa lahat ng oras? Walang araw na di ako nabibingit sa kamatayan, mga kapatid! Sinasabi ko ito sapagkat ikinararangal ko kayo alang-alang kay Cristo Jesus na ating Panginoon!  Kung ang pakikipaglaban ko sa mababangis na kaaway sa Efeso ay para sa tao lamang, ano ang mapapala ko? Kung hindi rin lamang bubuhaying muli ang mga patay, mabuti pa'y sundin na lamang natin ang kasabihang ito, "Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay."”
- 1 Corinto 30:32

Dito tuluyang nablanko ang aking isip.

Nagmadali akong tumakbo sa ICU, doon nakita ko ang aking kapatid at mga pinsang umiiyak na puno ng hinagpis. “Wala na si mama…” sambit ng aking humahagulgol na kapatid. Matindi pa sa lindol at bagyo ang sa aki’y humagupit sa oras na ito. Nagkalat ang mga piraso ng aking mundo na parang dinurog na bato. Wala ng hihigit pa sa sakit na makitang nakahimlay at walang buhay ang iyong nanay...
                                                                                                                                                                             
Hoy! Gising! Tulog ka na naman!” sigaw sa akin ng aking nakababatang kapatid habang inaalog ang aking nahimbing na katawan.
“Ha? Ano ka ba! Natutulog yung tao e!”  tugon ko sa kanya at agad akong bumangon. Nakatulog pala ako sa damuhan, panaginip na naman.

Muli akong napatingin sa kanyang lapida, hinawakan ito ng bahagya at hinawing muli ang mga damo sa gilid. Alam ko malalim ang kanyang kinalalagyan mula sa aking kinauupuan. Marahil nakababagabag kung masisilayan ko pa ang kanyang katawan sa ilalim ng lupa. Mabuti na lang at natakpan ito ng luntiang bermuda ng sa gayon ay maaliwalas tingnan. Katulad ng isang sugat na naging peklat at sa pagdaan ng panahon ay tuluyang naghilom. Sa lugar na ito maalala ko ang lahat patungkol sa aking ina. Ngunit ang damuhan na bumabalot sa kalupaan nito ay sumisimbolo ng paghilom at bagong usbong na pag-asa.


---------------------------------------------------------------------------------------------------

Ito ay lahok ni Jhengpot sa pakulo ni Kuya Bino ng Damuhan na ”Bagsik sa Panitik”

43 comments:

  1. Tulog ka ng tulog. Lagi ko na ngayon napapanaginipan ang aking ina. Natutuwa ako.

    ReplyDelete
    Replies
    1. kasi binabantayan ka niya. pagnagpakita siya sayo ng mulat ka baka kasi matakot ka, kaya sa panaginip na lang daw :)

      Delete
  2. ng dahil sa panaginip nakapg isip ng entry ^^ . good luck sa entry mo ^^

    ReplyDelete
    Replies
    1. tama! goodluck talaga. ang gagaling ng mga tumula!

      Delete
  3. gudluck sa contest.
    real story b eto?

    ReplyDelete
  4. Replies
    1. walang anuman kuya bino! sana may consolation. lol

      Delete
  5. galing galing naman nito jheng, good luck sa entry mo. :)

    ReplyDelete
  6. ang husay talaga ni potpot...

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat kuya jed! mahusay ka din :)

      Delete
  7. naks galing nito jhengpot ah hehe. good luck :-)

    ReplyDelete
  8. ikaw na!galing ah!LIKE!


    -jayrulez

    ReplyDelete
    Replies
    1. grabe ka! hanggaleng ng iyo! kainis. chos

      Delete
  9. Replies
    1. salamat sa pagdalaw huseng batute!

      Delete
  10. ako sometimes... napapanaginipan ko pa rin si "siya na hindi pwedeng pangalanan.." pero parating umiiyak ako.. parating nasasaktan sa panaginip ko... pero in reality ok na naman ako... lalo na't ehem... alam na ng crush ko na crush ko siya.... yahoooo....

    ReplyDelete
    Replies
    1. hahahaha. ano daw!!! para san ba talaga tong comment mo? lol

      Delete
  11. haaaayy i miss my mom too tuloy.....

    ReplyDelete
  12. oi! infairness ha may puso 'tong ginawa mo. at pasok lahat sa banga ang pagkasunud-sunod ng mga magic words :)

    Haaaaaay. pag galing sa puso talaga ang isinusulat gumaganda yung resulta, ikaw na panalo! gandahan mo pa! :D

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat pre! fan talaga kita. echos!

      Delete
  13. teka, alam mo ba na kung kailan mo pinublish to, ay araw kung kailan pumanaw ang Papa ko.

    Mabuhay ang mga patay! Mabuhay! lels

    ReplyDelete
    Replies
    1. huwat! hindi ko alam, di mo sinabi eh.

      loko loko ka. anong mabuhay ka jan! ehdi tumakbo ka! walking dead ba ito?

      Delete
  14. Replies
    1. natawa naman ako sa picture mo. hehe peace ham ham!

      Delete
  15. napakahusay mo sumulat...palakpakan...

    ReplyDelete
  16. ramdam ko ang puso sa bawa titik.

    galing mo kapatid.

    goosebumps me here ..hehe

    ReplyDelete
  17. Iba-iba ang estilo ng mga kalahok. Kaniya-kaniya ng konsepto kung papaano itatawid hanggang sa dulo ang timpalak ng Damuhan.

    Itong lahok mo ay pagsasalaysay ng masakit na bahagi at pag-alalang muli sa isang ina na nagmahal at nag-aruga. Nandon yong pagmamahal ng anak sa kaniyang ina.

    :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. maraming salamat sa iyong komento mr. kulisap! isa tong karangalan. hehehe

      Delete
  18. may hawig sa tunay mong kwento o maaring doon mo hinugot ang akda mong ito.

    magaling jheng... goodluck po sa iyo :)

    magandang araw

    ReplyDelete
    Replies
    1. napansin mo yun kuyakoy??? hehehe salamat sayo :)

      Delete
  19. nakarelate ako dito.. namiss ko tuloy mama ko.. :(

    ReplyDelete
  20. true story to? be happy! kasi dinadalaw ka nya sa panaginip sabbi nga nila actual visitation daw pag ganun! =)

    ReplyDelete
  21. Nagbasa. Humusga. Napaluha ako dito.

    ReplyDelete

Say Wuht?